VIGAN CITY – Nakatakdan pag-usapan umano ng embahada ng Pilipinas sa Singapore at ng Singaporean government ang isyu hinggil sa designated safe area para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at migrant workers tuwing day-off ng mga ito sa trabaho.
Ito ay pagkatapos ng aksidente sa Lucky Plaza sa Singapore kung saan dalawang OFW ang namatay at apat ang nasugatan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Overseas Workers’ Welfare Administration administrator Atty. Hans Leo Cacdac na bukod sa kasong isinampa laban sa driver ng sasakyang nakasagasa sa mga biktima, inaasikaso na rin ng gobyerno ng Singapore ang magiging pulong nito at ng embahada ng Pilipinas doon.
Layunin ng pag-uusap na magkaroon ng designated area na maaaring puntahan ng mga OFW at migrant worker sa tuwing day-off nila.
Ayon kay Cacdac, ito ang isa sa mga isyung lumutang pagkatapos ng aksidente kung saan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng designated safe area ay maiiwasang maulit ang pangyayari.
Una rito, nagkukuwentuhan at nagkakasiyahan lang ang mga biktima sa likod ng Lucky Plaza nang araruhin sila ng isang itim na kotse na ikinamatay ng dalawang Pinay domestic helper at ikinasugat ng apat na iba pa.