Tiniyak ni Philippine National Police chief Gen. Debold Sinas ang “continiuity” ng mga programa at proyekto na nasimulan na ng kanilang organisasyon.
Sa panayam kay Sinas sa Camp Crame, sinabi nito na wala siyang puputulin o babasagin na polisiya.
Aniya, ipagpapatuloy lamang umano ang dati nang mga direktiba at pagbubutihan na lang ang pagpapatupad nito.
Kabilang na rito ang maigting na kampanya laban sa iligal na droga, krimen, terorismo at internal cleansing.
Umapela rin si Sinas ng suporta mula sa mga pulis gayundin sa PNP Press Corps na regular na nagko-cover ng mga aktibidad ng PNP chief.
Nabatid kasi na kapag may bagong PNP chief kadalasang nagkakaroon ng mga bagong programa para magkaroon ng marka ang kanyang pamumuno.
Una nang sinabi ni Sinas, na hindi siya mahilig sa mga agenda, kaya kung anuman ang nasimulan ng kaniyang mga predecessors ay kaniya itong patuloy na ipapatupad.
“Kung anong policy talaga yun na yun for continuity yun na po. Ang next diyan is we walk the talk. Kung ano ang sasabihin natin yun ang lalakarin natin. Maniwala kayo andami na naming direktiba. Ang kailangan lang ay implement at i-sustain at i-follow-up,” pahayag pa ni Gen. Sinas.
Nilinaw naman ni Sinas, na may mga improvements lamang silang ipapatupad lalo na doon sa mga lumang polisiya at hindi na akma sa kasalukuyang set-up.