Umaabot na sa 100 million ang rehistradong subsciber identification modules (SIM) cards ngayong kalagitnaan ng buwan ng Hulyo ayon sa National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ay mahigit isang linggo na lamang bago mapaso ang deadline para sa pinalawig pa na SIM card registration sa Hulyo 25.
Katumbas ito ng 61.36% ng kabuuang mahigit 168 million SIM card users sa buong bansa.
Sa kabuuang bilang ng rehistradong SIM cards, nasa 73.60% o 48.793 million sim cards mula sa Smart ang rehistrado na.
Sinundan ito ng Globe kung saan nasa 47.025 million subscriber na ang nakapagtala o 54.21% ng kabuuang mahigit 86 million subscribers ng network.
Sa DITO telecommunity naman, umaabot na sa 7.278 million o katumbas ng 48.64% ng 14.964 million kabuuang SIM users ng naturang kompaniya.
Una ng inihayag ng Department of Information and nd Communications Technology (DICT) na target na mairehistro ang nasa 70% ng kabuuang SIM cards sa bansa.
Kung maaalala, isinabatas ang SIM Registration Act sa Pilipinas upang mawakasan ang mga krimen gamit ang text at online scams sa pamamagitan ng pag-regulate sa pagbebenta ng SIM cards at paggamit ng mga ito sa pamamagitan ng mandatoryong pagpaparehistro.
Samantala, sinabi naman ni National Telecommunications Commission (NTC) Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan na hindi nakikita ng ahensya na papalawigin pa ang deadline para sa SIM card registration dahil karamihan naman aniya ng mga active users ay nakapagpatala na.