-- Advertisements --
image 15

Naglunsad ng silent strike sa malalaking kabisera ang mga protester kasabay ng pagmarka ng ikalawang anibersaryo ng ‘kudeta’ ng military junta sa Myanmar na nagpatalsik sa dating leader na si Nobel laureate Aung San Suu Kyi.

Nakatakda ring mag-isyu ang military junta ng statement ngayong araw kung saan nakasalalay dito kung papalawigin pa ang state of emergency sa Myanmar bago ang planong junta election sa Agosto ngayong taon na tinawag na pagkukunwari ng mga kritiko para manatili sa posisyon.

Una ng nagdeklara ang junta leader na si Commander-in-Chief of Defence Services Min Aung Hlaing ng state of emergency sa Myanmar sa loob ng isang taon ng maupo ito at pinalawig pa ng dalawang beses at nakatakdang magpaso ngayong araw ng Miyerkules.

Nito namang Martes, nagpataw ng karagdgan pang sanctions sa energy officials at miyembro ng military junta ang United States at ibang mga kaalyado nito kabilang ang United Kingdom, Australia at Canada sa Myanmar

Kung maaalala, Pebrero 1, taong 2021 naglunsad ng kudeta ang military junta sa Myanmar at naagaw ang kapangyarihn nang labag sa kagustuhan ng mamamayan na nagresulta sa pagkalugmok ng bansa sa krisis sa pulitika, ekonomiya at humanitarian crisis.

Base sa local monitoring group, nasa mahigit 2,900 katao ang napatay sa military crackdown simula ng makuha ang kapangyarihan at mahigit 18,000 indibdiwal naman ang naaresto.