Tiyak umanong magiging bahagi ng agenda ng mga pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang North Korea.
Sa pre-depature meeting sa Malacanang, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu na consistent ang posisyon ng Pilipinas sa usapin ng North Korea.
Ayon kay Espiritu, malinaw ang posisyon dito ng ating bansa na nababahala tayo sa pagpapakawala ng ballistic missile.
Palagi aniya silang nananawagan sa hilagang Korea na sumunod ito sa UN Security Council resolutions hinggil sa usapin ng nuclear warfare at palaging umaapela sa lahat ng partido sa Korean Peninsula na bumalik sa negotiating table para makahanap ng mapayapang resolusyon sa usaping ito.
Kaugnay nito, sinabi ni DFA Assistant Secretary Nathaniel Imperial na nagpalabas muli ang Pilipinas ng pahayag ng pagkondena sa inilunsad na panibagong ballistic missile ng North Korea nito lamang Nobyembre 2, 2022.
Ayon kay Imperial, ito na ang ikaapat na pahayag na inilabas ng Pilipinas sa taong ito laban sa mga pagpapakawala ng missile ng North Korea.
Hindi aniya maalis ang pagkabahala ng pamahalaan sa bagay na ito lalo pa at nasa halos 47,000 ang mga Filipino na naninirahan at nagtatrabaho malapit lamang sa bahagi ng North Korea.