Isinusulong ni Senator Risa Hontiveros ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senado sa mga napaulat ng sexual harassment umano ng mga guro sa mga estudyante sa ilang paaralan sa bansa.
Ito ay kasunod ng mga insidente na ayon sa senadora ang harassment at pang-aabuso ay sangkot umano ang ilang mga guro sa Bacoor National High School sa Cavite, St. Therese College sa Quezon City at Philippine High School for the Arts sa Los Baños, Laguna.
Kaugnay nito, inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 168 na naghihimok sa Senate committee on women, children, family relations and gender equality para magsagawa ng imbestigasyon para magkaroon ng ligtas na espasyo para sa mga mag-aaral para sa kanilang pag-aaral at mapanagot ang mga perpetrators alinsunod sa probisyon na nakapaloob sa Safe Spaces Act.
Sa naturang resolution, sinabi ni Hontiveros na dapat na maresolba ang kaso ng sexual harassment sa educational institutions sa transparent na pamamaraan, pro-active at timely manner upang matiyak ang mabilis na pagbibigay ng hustisya.
Sa panig naman ng Department of Education (DepEd), sinabi ni spokesperson Atty. Michael Poa na zero tolerance ang ahensiya sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga paaralan.