MANILA – Nilinaw ng National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) na hindi pa aabot sa 2% ang bilang ng mga nakaranas ng seryosong adverse effect o side effect matapos maturukan ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Dr. Lulu Bravo, chairperson ng NAEFIC, karamihan sa mga side effect na nai-report sa kanila ay mga allergic reaction at altapresyon.
“The most common ones we see now are allergic reactions, they want to be monitored, some of them suspected to have anaphylaxis and you know that’s a serious one… The other second one aside from the allergies and anaphylaxis is hypertension,” ani Bravo.
Patuloy daw na iniimbestighan ng komite ang mga kaso para matukoy kung talagang bakuna nga ang nasa likod ng mga naramdamang side effect.
Binigyang diin ni Dr. Bravo na sa ngayon walang ebidensya para magdulot ng pagkabahala sa publiko ang mga naturang kaso ng adverse events following immunization (AEFI).
Paliwanag ng eksperto, ikinokonsiderang seryoso ang AEFI kung ang pasyente ay nag-agaw buhay at kinailangang ma-admit sa ospital matapos bakunahan. O kaya naman kung nagkaroon disability o ibang kapansanan.
Nilinaw ni Dr. Bravo na karaniwan ang mga side effect na pagkahilo, anxiety, pagkahimatay, pagsusuka, sakit ng ulo at tiyan at pagdudumi.
Sa huling tala ng Department of Health at National Task Force against COVID-19, aabot na sa higit 216,000 ang nabakunahan sa Pilipinas laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, target nilang paabutin ng 450,000 na indibidwal kada araw ang mabakunahan sa pagbubukas ng Abril.
“We’re looking at 4,500 vaccination sites with each site vaccinating 100 individuals. So we’re looking at 450,000 vaccinees per day…as soon as the vaccines have come. Mga ganon, April,” ani Duque sa interview ng ANC.
Ngayon buwan kasi inaasahang darating ang karadagang doses ng Sinovac na binili ng pamahalaan at donasyon ng China.
Tinatayang 1.8-million na healthcare workers ang target mabakunahan, na susundan ng senior citizens, mga mahihirap, uniformed personnel at natitirang populasyon.