Asahan umano ang serye ng kilos protesta na ilulunsad ng mga healthcare workers sa mga susunod na araw kapag hindi naibigay ang ipinangako sa kanila ng pamahalaan na benepisyo para sa kanilang serbisyo ngayong nakakaranas pa rin ang bansa ng pandemic na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nagbigay din ng babala ang Alliance of Health Workers (AHW) sa Department of Health (DoH) na kapag bigo ang mga itong ibigay ang kanilang benepisyo at kompensasyon sa mga medical frontline workers hanggang Agosto 31 ay magsasagawa talaga sila ng protesta at mass resignation.
Sinab ni AHW president Robert Mendoza, sa mahigit isang taong lockdown marami na umanong mga frontliners ang dinapuan at namatay dahil sa COVID-19 pero hindi pa naibibigay ang hirit nilang mga benepisyo.
Kabilang na rito ang kanilang special risk allowance, active hazard duty pay, meal allowance, accomodation at transportation allowance na nasa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act na nagpaso na noong Hunyo 2021.
Para sa Special Risk Allowance (SRA) ang lahat ng health workers sa public at private hospitals kahit ano pa ang kanilang status of employment ay dapat makatanggap nito. Ibig sabihin lahat ng permanent, contractual, job order at Contract of Service o agency-hired employees ay dapat makakuha ng SRA.
Pangalawa rito ang pagbibigay ng 70 percent budget para sa buwan ng September hanggang December 2020 para sa kanilang Meals, Accommodation at Transportation (MAT) benefit.
Nais nilang mai-release ang January hanggang June 2021 MAT benefit sa nga DoH at Government-owned and controlled corporation (GOCC) health workers maging ang MAT allowance sa nga local government units (LGU) at private health workers simula September 2020 hanggang June 2021.
Panghuli ay ang pagbibigay ng active hazard pay sa lahat ng public health workers mula Enero hanggang Hnyo 2021.
Una rito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ilan sa special risk allowances (SRAs) ng mga healthcare workers ay natukoy na at puwede nang maibigay ngayong araw.
Dagdag niya, nasa P311 million na pondo ang puwede nilang kunin sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund para pondohan ang SRA ng mahigit 20,000 healthcare workers.
Ipinag-utos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DoH na unahin ang bayad para sa mga delayed benefits para sa mga health workers.
Una nang sinabi ni Jocelyn Andamo, Secretary General ng Filipino Nurses United na sa ngayon ay tuloy daw ang coordination meeting nila sa kanilang mga kasamahan habang wala pang positibong aksiyon ang pamahalaan sa kanilang mga hiling.
Naniniwala si Andamo na sa gitna ng pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay dapat pantay-pantay ang benepisyo na ibibigay ng pamahalaan sa lahat ng mga health care workers kahit sa gobyerno o pribadong ospital pa sila nagtatrabaho.