Isinusulong ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang panukalang batas para sa paglikha ng Department of Water, Irrigation, Sewage at Sanitation Resource Management.
Layon ng nasabing panukala na matugunan ang lumalalang kakapusan ng supply ng tubig at mga isyu sa sanitasyon sa bansa.
Sa inihaing House Bill No. 482, inihayag ni Arroyo na responsibilidad ng gobyerno na siguruhin na ligtas, malinis ang maiinom na tubig.
May sapat na patubig sa irigasyon at ang pinakamahalaga ay maaabot ito sa pamamagitan ng mahusay na pakikipag-ugnayan, epektibo, at napapanatili ang magandang pamamahala ng mga mapagkukunan ng tubig.
Ayon kay Arroyo, sa ngayon kasi ang pamamahala ng mga mapagkukunan ng tubig ay nakasalalay sa sangay o mga ahensya ng pamahalaan na nagreresulta sa mahirap na koordinasyon sa pagpapatupad ng mga pambansang patakaran at plano lalo na sa tubig, dumi sa sewage, kalinisan, at patubig.
Sa kasalukuyang set-up para sa tubig, irigasyon, sewage, at sa mga sanitation responsibilities ay nagsasangkot sa mga pangunahing ahensya ng gobyerno tulad ng National Water Resources Board, ang ahensiya ng gobyerno na responsable para sa pagpapatupad ng Water Code of the Philippines na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.
Ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System, na Isang GOCC na naka-attach sa DPWH, ang responsable sa water supply and sanitation sa Metropolitan Manila.
Habang ang National Irrigation Administration, (NIA) na nasa ilalim ng Office of the President ang pangunahing responsable sa irrigation development and management.
Ayon kay Arroyo noong panahon ng kaniyang administrasyon, nagbigay ito ng tubig sa 136, 477 ektarya ng agrikultura mula sa mga bagong proyekto ng patubig habang naibalik o narehabilitate ang mga proyekto ng tubigan ng higit sa 1.3 milyong ektaryang bukirin mula 2001 hanggang kalagitnaan ng 2009.
Nakumpleto aniya ng kanyang administrasyon ang 17 pangunahing proyekto ng patubig, kabilang ang mga sinimulan ng mga nakaraang administrasyon.
Karamihan umano ng proyekto ay nakumpleto noong 2005 nang magsimulang umangat ang fiscal reforms ng bansa.