Sinimulan na ngayong araw ang bakunahan ng booster shot para sa mga senior citizens at mga immunocompromised patients na nakatanggap na ng kumpletong bakuna ng primary series sa nakalipas na anim na buwan.
Ayon sa Department of Health (DOH), maaari rin na mamili ng brand ng bakuna na ibibigay bilang booster shot ang mga naturang indibidwal ngunit magdedepende pa rin anila ito sa kung ano ang mayroong available supply sa bansa.
Sa isang pahayag ay sinabi rin Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na papayagan din na makatanggap ng booster shot ang mga indibidwal na may HIV, active cancer of malignancy, mga sumailalim sa transplant at immunosuppressive treatments.
Sinabi naman ni DOH Secretary Francisco Duque III na sa susunod na linggo ay maaari na rin na mabakunahan ng booster shot ang iba pang mga indibidwal na may comorbity.
Magugunita na una rito ay isinagawa na ng pamahalaan noong November 17, 2021 ang bakunahan ng COVID-19 booster shot sa mga kababayan natin na mga frontline medical workers na mayroon nang kumpletong bakuna laban sa COVID-19 virus sa nakaraang anim na buwan. (Marlene Padiernos)