Malaki ang pag-asa ng ilang senador sa pag-upo ni dating Sen. Gringo Honasan bilang bagong kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Nagsimula na kasi ngayong araw ang trabaho ni Honasan sa tanggapan na sasalo sa mga programang sinimulan ni dating Acting Sec. Eliseo Rio Jr.
Umaasa si Sen. Ralph Recto na tuluyang mapa-plantsa ng dating mambabatas ang implementasyon ng Free Wifi Act sa buong Pilipinas.
Mula raw kasi ng maisabatas ito ay nasa halos 3,000 lang ng 34,000 target areas ang may operational na libreng internet connection. Ito ay sa kabila ng P1.7-bilyon na budget para rito noong nakaraang taon.
“Of particular interest to me, and the general public, is the delay in the rollout of the Free Public Wi-Fi hotspots, a program he ardently supported in the Senate.”
“I am, however, optimistic that Secretary Greg will fix the bugs of this program and implement a catch up plan that will cover other areas of concern as well. I wish him Godspeed.”
Para naman kay Sen. Sonny Angara, makabubuting unahin ni Honasan ang paglalagay ng libreng wifi sa mga state universities and colleges.
“Hindi ko alam kung ano na ang latest progress. But the election ban on certain types of government spending, the delay in the enactment of the national budget, plus the existing institutional weaknesses in project procurement have surely affected the implementation.”
Nitong umaga nang pangunahan ng bagong kalihim ang inagurasyon ng isang public wifi access point sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.
Bukod sa libreng wifi, sasaluhin din ni Honasan ang pagmomonitor sa nakatakdang operasyon ng National ID System at Mislatel Consortium bilang ikatlong major telco player sa Pilipinas.