Umaasa ang mga senador na agad maipagkakaloob ang incentives na nakalaan para kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, ngayong nasungkit nito ang inaasam na gintong medalya para sa ating bansa.
Ayon kay Senate committee on sports chairman Sen. Christopher “Bong” Go, malaking inspirasyon ang hatid ng tagumpay ni Diaz para sa sambayanang Filipino.
Magiging huwaran din umano ito para sa mga kabataang atleta, para higit pang magsumikap para sa kani-kanilang mga larangan.
Para naman sa author at sponsor ng Republic Act 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act na si Sen. Sonny Angara, nararapat lamang na maipagkaloob ang P10 million na bahagi ng benefits at incentives kay Diaz.
Batay sa batas, may naghihintay na Olympic Gold Medal of Valor ang isang atletang nakapag-uwi ng gintong medalya, kaakibat ng P5 million para sa kaniyang coaches.
Bukod sa mga nakasaad sa batas, may iba pang mga grupo at personalidad na nangako para magbigay din ng malaking pabuya, kaya maaaring makatanggap si Hidilyn ng mahigit P30 million.
Maliban dito, bumati rin kay Diaz sina Sens. Ping Lacson, Grace Poe, Koko Pimentel at iba pang miyembro ng mataas na kapulungan ng Kongreso.