
Naghain ng resolusyon si Senator Nancy Binay na naglalayong imbestigahan ang napaulat na plano ng Bureau of Corrections (BuCor) na magtayo ng bagong headquarters sa Masungi Georeserve sa Rizal.
Inihain ng mambabatas ang panukalang Senate Resolution 495 na nag-atas sa Senate committee on tourism, na kanyang pinamumunuan, na imbestigahan ang plano ng Bureau of Corrections.
Aniya ang Masungi georeserve ay isang simbolo ng sustainable development at nangunguna sa pagsisikap na pangalagaan, ibalik, at pagandahin ang kapaligiran sa harap ng climate change, na dapat protektahan ng gobyerno at pribadong sektor ng ating bansa.
Binanggit niya ang pahayag ni Ann Dumaliang co-founder ng Masungi Georeserve, na nagsabi na ang site na tinitingnan para sa relokasyon ay tahanan ng fragile limestone formations at kasama sa mga pagsisikap ang pag-iingat nito sa ilalim ng Masungi Geopark Project sa pagitan ng Masungi Georeserve Foundation at ng Department of Environment and Natural Resources.
Kung matatandaan, kamakailan ay inihayag ni Bureau of Corrections officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. na nagbabalak silang magtayo ng bagong headquarters sa lupa sa Tanay, Rizal sa ari-arian na inaangkin ng Masungi Georeserve na nasa loob ng teritoryo nito.
Una na rito, binigyang diin ni Catapang na ang 270 hectares ng lupain ay hindi relocation site para sa New Bilibid Prison sa halip ay bagong tanggapan para sa naturang kawanihan.