Inamin ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na parehong pangalan ang inirekomenda nila ni Senator-elect Ronald Dela Rosa kay Pangulong Rodrigo Duterte para maging susunod na chief PNP.
Ayon kay Gen. Albayalde, kung sino ang tatlong pangalan na binanggit ng dating PNP chief ay siya ring nasa kaniyang listahan.
Ito ay kinabibilangan nina Pol. Lt. Gen. Archie Gamboa na siyang No. 3 sa PNP bilang Deputy Chief for Operation, gayundin si Pol. Lt. Gen. Camilo Cascolan na siyang No. 4 sa PNP bilang Chief Directorial Staff na kapwa mula sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1986, at si Pol. M/Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office mula sa PMA Class 1987.
Paliwanag ni Albayalde, pinaka-senior sa lahat ang tatlo at kahit na mas junior galing sa PMA Class 1987 si Eleazar ay hindi rin naman matatawaran ang kaniyang performance sa trabaho.
No comment pa naman ang NCRPO chief nang hingan siya ng komento ukol dito.
Maging ang pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng PNP sa ngayon na si Pol. Lt. Gen. Fernando Mendez Jr., ay tanggap na hindi kasama sa listahan dahil magreretiro na siya sa serbisyo sa October 12 ngayong taon.
Mas mauuna siyang magreretiro ng isang buwan kay Gen. Albayalde na ang retirement date ay sa November 8 pa.
Para kay Mendez, kontento na siya sa narating ng kaniyang carreer sa PNP.