-- Advertisements --

Binigyang diin ni Senator-elect Bam Aquino na dapat gawin ng 20th Congress ang mandato nito sa paglitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang statement, ipinunto ni Aquino na bagamat binibigyan ng karampatang parliamentary courtesy ng kasalukuyang 19th Congress sa mga huling araw nito, malinaw aniya na ang 20th Congress ang kinakailangang gumawa ng nararapat nitong tungkulin.

Saad pa ng Senator-elect na mahalagang masunod ang mga alituntunin ng Saligang Batas pagdating sa impeachment.

Kung saan tungkulin aniya ng Senado bilang institusyon na litisin ang kaso at maglabas ng hatol.

Ipapakita din aniya ng prosesong ito na walang sinuman man ang nakakahigit sa batas.

Muling sinabi din ni Aquino, na dati ding nagsilbing hukom sa Senate Electoral Tribunal, na nakahanda siyang gampanan ang tungkulin at responsibilidad bilang Senator-judge sakaling tumawid sa sunod na Kongreso ang impeachment trial laban sa Bise Presidente.

Iginiit din ni Aquino na sa pagpapasya sa impeachment dapat na mauuna ang rule of law at kapakanan ng taumbayan.