-- Advertisements --
image 84

Kuntento raw si Senate President Juan Miguel Zubiri sa naging performance ng Commission on Appointments (CA) ngayong 19th congress.

Sinabi ni Zubiri, na siya ring tumatayong CA chairman na nasa walong cabinet members, dalawa namang miyembro ng Constitutional Commission, 28 diplomats at 113 military officers ang nakumpirma nila sa ngayon.

Aniya mula July 25 hanggang September 30, nasa 38 percent dito ang nakumpirma o nasa walo sa 21 na Cabinet members.

Mas mataas daw ito sa pito mula sa 22 confirmed appointees sa parehong period noong 17th Congress o nasa 31 percent.

Naniniwala naman ang Senate president na ginampanan ng komisyon ang kanilang tungkulin na aprubahan ang mga opisyal na itinatalaga ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. sa pinakamabilis at efficient na paraan.

Pinaalala rin ni Zubiri na ang tungkulin ng CA ay hindi ministerial o clerical lamang dahil nagsasagawa sila ng mahahabang pagdinig para maaksiyunan ang confirmation ng mga appointees at mabusisi ang kuwalipikasyon ng mga presidential appointees sa kanilang posisyon.

Nakuha pa nga aniya ng CA ang ilang bahagi ng oras ng senado na kasabay ring tinatrabaho ang ilang mga panukalang batas at ang panukalang 2023 national budget.

Sadyang kinulang lang talaga aniya sa oras kaya hindi na naaprubahan ang lahat ng appointed Cabinet secretaries ng Marcos administration.