Napanatag na ang kalooban ng mga senador sa paglutang ng Pharmally official na si Krizle Grace Mago, ilang araw matapos mawalan sila ng contact dito.
Sa isang pahina ng kaniyang pahayag, sinabi ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon na ipinagdarasan niya ang kaligtasan ni Mago, para maisiwalat nito ang buong katotohanan ukol sa isyu ng tampering sa kanilang produktong medical supplies.
Inamin ni Gordon na nabahala sila nang ilang araw na walang makuhang impormasyon ukol sa Pharmally official, kaya nagpatulong pa sila sa mga otoridad upang malaman ang kalagayan ni Krizle.
Kaugnay nito, nakikipag-coordinate na ang Senado sa Kamara para sa pagharap ng mga resource person sa susunod na linggo.
Mauuna ang lower House sa hearing sa Lunes, habang sa Martes naman ang Senate blue ribbon panel.