Ikinagalak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang papuring natanggap mula kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mismong huling State of the Nation Address (SONA) nito.
Kapansin-pansin sa talumpati ng chief executive, bigla nitong binanggit ang trabaho ng Senado at ni Sen. Sotto.
“With due respect to the Sen. Sotto who is also running for the vice presidency, he is a capable man. A good man and a Filipino,” wika ni Duterte.
Sa kaniyang reaksyon, inamin ng pinuno ng mataas na kapulungan ng Kongreso na hindi niya inaasahan ang mga ganung pahayag, kaya nagpapasalamat na lamang siya.
“I am humbled by the words of the President. I thank him profusely for mentioning me,” reaksyon ni Sotto.
Maging ang ka-tandem nito na si Sen. Panfilo Lacson ay nagsabing tama sa naturang pahayag ang punong ehekutibo.
Maging si Senate committee on health chairman Sen. Christopher “Bong” Go ay pinuri din ng Pangulo sa isinulong nitong “Malasakit Centers.”
Sa kasalukuyan kasi ay mayroon nang mahigit 100 MC sa buong bansa.
Ang pasilidad na ito ay tila one stop shop ng health assistance, dahil hindi na kailangang magpalipat-lipat ng mga tanggapan para makatanggap ng tulong ang isang indibidwal.
Sa isang bahagi ng SONA, pinatindig ng Presidente ang kaniyang dating personal assistant, upang kilalanin sa mga isinulong nitong panukala.
Samantala, ilang mambabatas naman ang bitin sa laman ng SONA, lalo na ang mga nagmula sa hanay ng oposisyon.