-- Advertisements --

Natanggap na ng Senate Impeachment Court ang mga pina-subpoenang financial records mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at apat na bangko.

Kabilang sa mga pina-subpoena ng korte ay ang financial records nina Vice President Sara Duterte, kaniyang mister na si Atty. Manases Carpio at dalawampung entities na tinukoy sa subpoenas.

Kinumpirma ng Senado na bandang alas-dose ng tanghali ngayong Huwebes, Hulyo 30, natanggap na ng Office of the Clerk ang mga kaukulang dokumento mula sa BIR gayundin sa mga banking institutions na BDO Unibank, Inc., Philippine Savings Bank (PSBank), Metropolitan Bank & Trust Company (Metrobank) at Security Bank Corporation.

Patuloy naman ang pagtanggap ng Office of the Clerk of Court para sa documentary submissions alinsunod sa mga inisyung subpoena.

Nag-ugat ang pagpapa-subpoena sa mga financial record ng bise presidente upang magbigay ng ebidensiya hinggil sa kaniyang umano’y unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman.

Gagamitin ng prosekusyon ang mga dokumento para sa Article II ng impeachment complaint, na tumututok sa mga alegasyon ng ill-gotten o unexplained wealth.