Itutuloy na lamang sa executive session ang pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado ukol sa COVID vaccine na bibilhin.
Para kay Sen. Panfilo Lacson, mahalagang matapos ang hearing ng mataas na kapulungan upang matuldukan ang isyu ng pondo at klase ng bakunang bibilhin.
Dapat aniya itong malinawan, para mai-adjust ang uutangin ng gobyerno sa World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB).
Kailangan umanong proportion ang gastos sa ating pondo, lalo’t may mga donasyon naman ang pribadong sektor at meron din ang ilang lokal na pamahalaan.
Payag naman si Senate President Vicente Sotto III sa executive session, ngunit nabababawan ito sa rason, na dahil lamang sa presyo ng bakuna, lalo’t open book naman aniya ito sa ibang mga bansa.
Hindi rin ito pabor na papirmahin pa ang mga mambabatas sa commitment na hindi isasapubliko ang proceedings, dahil malinaw naman sa patakaran ng Senado na patatalsikin ang sinumang maglahad ng kanilang mapag-uusapan sa executive session.