-- Advertisements --

Iniutos ni Senate President Migz Zubiri ang total lockdown sa Senate building sa Lunes, Aug. 22 matapos na umabot na sa pitong mga senador ang sunod-sunod na nagpositibo sa COVID-19 ngayong buwan.

Dahil dito, lahat na mga Senate employees ay pansamantala muna sa kanilang “work from home” upang bigyang daan ang isasagawang disinfection.

Muling babalik ang sesyon ng mga senador sa Aug. 23, araw ng Martes.

Una rito, kinumpirma rin ni Sen. Joel Villanueva na nagpositibo siya sa COVID.

Magkasunod na kinumpirma rin nina Senators JV Ejercito at Nancy Binay na parehong nagposito rin sila sa COVID-19.

Kung maalala ang iba pang mga mambabatas na nagpositibo rin sa COVID-19 ay sina Senators Alan Peter Cayetano, Imee Marcos, Cynthia Villar, Grace Poe at si Sen. Chiz Escudero na naka-isolate rin matapos maging close contact.

“Please stay safe and healthy everyone. Together we shall fight this virus and continue to deliver government service as efficiently as possible. Maraming salamat po,” ani Zubiri sa advisory.

Sa ngayon pinapairal muna ang mas mahigpit na pag-oobserba ng health protocols sa Senado dahil pa rin sa naturang outbreak matapos na magkakasunod na tinamaan ng virus ang walong mga senador mula ng magbukas ang 19th Congress noong buwan ng Hulyo.