-- Advertisements --

Naniniwala si La Union Rep. at Deputy Speaker Paolo Ortega, na ang pagkakatalaga kay Prof. Kim Robert de Leon bilang bagong Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) ay isang magandang pagkakataon upang lalong itaguyod ang transparency, i-modernisa ang mga sistema, at isulong ang mga progresibong reporma sa pambansang pondo.

Si De Leon ay isang eksperto sa pampublikong pinansya, propesor sa University of the Philippines (UP) Diliman, at dati nang nagsilbi bilang undersecretary ng DBM (2021-2022) at Department of Transportation (DOTr), bukod sa naging karanasan nito sa Office of the President.

Binigyang-diin ni Ortega ang kahalagahan ng papel ng DBM sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa pamahalaan. 

Aniya, dumating ang appointment na ito sa panahong mataas ang hiling ng taumbayan para sa mas mahigpit na pagbabantay laban sa mga kuwestiyunableng singit o insertions sa badyet.

Tiniyak din ng mambabatas na handa ang Kamara na makipagtulungan sa bagong pamunuan ng DBM para sa mga reporma.

Inaasahan din ng mambabatas na ang kabataan at modernong liderato ni De Leon ay magdadala ng bilis, inobasyon, at lakas ng loob upang ayusin ang mga lumang sistema sa pamamahala ng pananalapi ng bansa.

Samantala, binati naman ni Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales  ang pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kay Kim Robert de Leon,32-anyos, bilang bagong kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).

Ayon kay Khonghun, nagpasok ang Pangulo ng “young blood” o bagong sigla at sariwang pananaw sa kanyang Gabinete sa pagpili kay De Leon, na kinumpirma ng Malacañang bilang pinakabatang miyembro ng Gabinete ngayon at pinakabatang naging budget secretary sa kasaysayan.

Ipinagmalaki rin ni Khonghun ang kahanga-hangang track record ng bagong kalihim.

Kasalukuyang inihahanda ng ehekutibo ang panukalang pambansang badyet para sa taong 2027 na isusumite sa Kongreso pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.

Inaasahan ng Kamara na magagamit ni De Leon ang kanyang husay upang bumuo ng programa sa paggasta na tutugon sa krisis sa langis at pagbagal ng ekonomiya ng bansa.