-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice ang pagsasampa ng patung-patong na mga kasong kriminal laban kay Marikina 1st District Rep. Marcelino ‘Marcy’ Teodoro.

Kinasuhan siya ng apat na bilang ng ‘sexual assault’, kasama ang isang bilang ng ‘acts of lasciviousness’ kaugnay sa dalawa nitong babaeng ‘police officers’ nagsilbi bilang kanyang security personnel.

Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang naturang mga impormasyon ay pormal nang naihain sa Regional Trial Court ng Marikina kasama ang pagpasa ng mga rekords ng kaso.

Alinsunod ang pagsasampa ng mga kaso buhat nang matukoy ng prosekusyon sa isinagawang preliminary investigation na sapat ang mga ebidensya para ito’y ihain at iakyat na sa korte.

Kung kaya’t matapos nito’y nasa hurisdiksyon na ng hukuman ang mga kasong kriminal at inaasahang magpapatuloy sa sinusunod na proseso at panuntunan ng korte sa pagsasagawa ng paglilitis.

Magugunitang una nang itinanggi ni Rep. Marcy Teodoro ang mga alegasyon at itinuring na walang katotohanan na layon lamang sirain ang kanyang reputasyon.