-- Advertisements --

Nilinaw ni Sen. Erwin Tulfo na walang tumatawag sa kaniya ukol sa posibleng panibagong pagpapalit ng liderato sa Senado.

Unang kumalat ang naturang isyu kasunod ng sinabi ni Senate Pres. Allan Peter Cayetano na abala ang Senate minority sa pakikipag-usap sa ibang senador upang hikayatin silang lumipat ng panig.

Ayon kay Tulfo, wala namang tumatawag sa kaniya sa kasalukuyan.

Gayunpaman, hindi aniya ito malabong mangyari.

Katwiran ng senador, ‘sobrang nipis’ ng kasalukuyang majority kaya’t nananatili ang posibilidad na magkaroon ng mga pagbabago.

Maliit lamang aniya ang diperensiya ng 13-9-2 na resulta ng naging botohan kamakailan.

Kung tutuusin aniya, ang dalawang nag-abstain ay maikokonsidera na ring “no vote” kaya’t maaari aniyang sabihing 13-11 ang kasalukuyang hatian.

Sa kasalukuyan ay hindi pa naglalabas ng reaksyon si Sen. Tito Sotto na nagsisilbing lider ng minorya, ukol sa napaulat na Senate coup.