-- Advertisements --
sen tolentino

Ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon committee ang paggampan ng tungkulin nito at tutulong sa paghahanap ng katotohanan sa likod ng umano’y maanomalyang kasunduan sa pagbili ng overpriced at outdated laptops sa ilalim ng nagdaang Duterte administration.

Ito ay matapos ipinasuspinde ng Office of the Ombudsman ang nasa 12 opisyal ng Department of Education at Department of Budget and Management sa loob ng anim na buwan nang walang sahod.

Sinabi din ng Senador na ang suspension order ng Ombudsman ay nagpapatunay na tama ang ginawa at naging direksyon ng Senate Blue Ribbon Committee na naglabas ng 297 pahinang report hinggil sa kontrobersyal na P2.4 billion laptop deal.

Ayon pa kay Senator Tolentino, ang basehan para sa suspension order ng Ombudsman ay ang report ng Senate Blue Ribbon na inilabas sa unang bahagi ng 2023 na inaprubahan ng Senado.

Inihayag pa ng Senador na nagpapatunay aniya ito na hindi nasayang ang ginawang mga pagdinig ng Blue Ribbon committee na siyang lumalabas na complainant on record sa kasong dininig ng Ombudsman upang makamtan ang hustisya, mapanagot ang may sala at mabuwag ang PS-DBM.

Una rito, base sa findings ng Commission on Audit (COA) pinuna nito ang naging basehan ng DBM sa pag-adopt ng P58,300 unit price sa bawat isang laptop lamang sa inirekomendang approved budget ng kontrata na tinanggap naman ng DepEd.

Ibinunyag din ng COA na ang 68,500 laptops na dapat bibilhin ay binawasan sa 39,583 na lamang dahil sa mahal na presyo mula sa dating P35,046.50 presyo per unit base sa isinumiteng Procurement request ng DepEd.