Nababahala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa panukalang magpapasok ng third party sa pagtatayo ng transmission projects sa sektor ng enerhiya.
Binigyang-diin ni Hontiveros na iilan lang ang makikinabang dito at hindi ang kapakanan ng publiko.
Ang pahayag ni Hontiveros ay matapos na atasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na pag-aralan ang posibilidad ng third-party involvement para mapabilis ang mga naantalang transmission projects.
Iginiit nito, na maaari lamang mapaboran ang ilang mga grupo, na maaaring may koneksyon sa Maharlika Fund, kung magpapapasok ng third parties.
Ayon sa NGCP, naaantala ang mga transmission projects dahil sa masalimuot na proseso sa pagkuha ng right-of-way at mga permit.
Gayunpaman, binanggit ni Hontiveros na sa kabila ng pagkakaroon ng eminent domain rights ng NGCP, bilang isang pribadong negosyo, nagsisimula lang sila sa pagkuha ng right-of-way pagkatapos ng regulatory approval.
Binigyang-diin ni Hontiveros na mas may kapasidad ang gobyerno para makuha ang right-of-way, maglaan ng pondo para sa property ownership, at unahin ang kapakanan ng publiko na nakaangkla sa public accountability.