Pinagtibay na ng Senado sa second reading ang Blue Ribbon Committee report na nagrerekomenda ng administrative at criminal charges laban sa ilang Department of Agriculture officials at tatlo pang dating mga Sugar Regulatory Administration (SRA) executives kaugnay sa kontrobersiyal na Sugar Order No. 4.
Una na ring inirekomenda ng Senate Blue Ribbon committee ang paghahain ng kaso sa Office of the Ombudsman laban kina suspended Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, former SRA administrator Hermenegildo Serafica, dating Sugar Board member Roland Beltran, at dating Sugar Board member Aurelio Gerardo Valderrama Jr.
Lumalabas umano sa “preliminary evidence on record”na ang naturang apat na pawang mga signatories sa SO 4 — ay gumawa ng mga administrative offenses at serious dishonesty, grave misconduct, gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, at gross insubordination.
Ang mga kasong kriminal naman ayon pa sa committee report ay kinabibilangan ng graft and corruption, agricultural smuggling, and usurpation of official functions.
Una nang lumutang na ang Sugar Order No. 4 ay nagtatakda ng importation ng aabot sa 300,000 tonelada ng asukal, bagay na kinontra naman ng Malacañang dahil sa ito umano ay illegal at walang permiso at pirma ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na tumatayo ring secretary of agriculture.
Sa kabilang dako, iginiit naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na ang minority report ay may indikasyon na si dating Executive Secretary Victor Rodriguez ay kabahagi nito.
Gayunman ayon kay Pimentel ang minority bloc ay hindi na rin maghahain ng individual amendments dahil kontento na sila sa pagkakasama ng kanilang report sa appendix sa committee report.
Samantala si Senate Blue Ribbon committee chairman at Sen. Francis Tolentino ay naglagay din ng amendments sa committee report.