Inanunsyo ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pagbuo ng isang Blue Ribbon Subcommittee na magpapatuloy sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ayon kay Cayetano, si Sen. Rodante Marcoleta ang mamumuno sa subcommittee at inaasahang maglalabas ng notices sa Lunes upang maipagpatuloy ang pagdinig sa Huwebes. Sinabi rin niyang magiging patas umano ang pagdinig at layunin nilang ilabas ang “buong katotohanan” sa isyu.
Binanggit ni Cayetano na may magkakaibang pananaw na sa usapin, kabilang ang pahayag ng Ombudsman na may “mastermind” umano sa anomalya, habang sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na wala pa umanong sapat na basehan para rito.
Nauna nang pinamunuan ni Lacson ang Senate Blue Ribbon Committee bago ang pagbabago ng liderato noong Mayo 11. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ilang opisyal at mambabatas ang iniugnay sa mga kuwestiyonableng infrastructure projects, kabilang sina Senators Jinggoy Estrada, Francis Escudero, at Joel Villanueva.
Samantala, hinimok ni SP Cayetano ang publiko na bantayang mabuti ang mga susunod na pagdinig ng Senado upang matiyak umano ang transparency at pagiging patas ng imbestigasyon. (report by Bombo Jai)














