-- Advertisements --

Humingi ng tulong ang Commission on Appointments (CA) sa mga kasalukuyan at mga retired justices sa usapin ng citizenship at conviction ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo.

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na lalampasan muli ng CA ang kumpirmasyon ni Tulfo dahil sa nakatakda ng i-ajourned ng Kongreso ang kanilang session sa Disyembre 17 at sila ay magbabalik sa Enero 22, 2023 kung saan walang deliberasyon ang CA na kinabibilangan ng kongresista at senador.
Dahil dito ay kailangan muling italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos si Tulfo sa puwesto.

Maguguntiang noong Nobyembre ay nilampasan ng CA ang pagkumpirma sa nominasyon ni Tulfo dahil sa pagkuwestiyon sa kaniyang pagkakaroon ng American citizenship at ang hatol sa kaso nitong libelo.

Una ring sinabi ni Tulfo na kaniyang binitawan ang kaniyang American citizenship habang nakaapela sa korte ang kaniyang kasong libelo.

Aminado si Zubiri na nasasayangan ito kay Tulfo kung hindi tuluyang maitalaga ito sa puwesto.