-- Advertisements --

Inihayag ni Senator Joel Villanueva na tila may hindi tama sa pag-withdraw ng prosekusyon sa tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, bagama’t iginagalang niya ang estratehiya ng House prosecution panel.

Ayon kay Villanueva, nais pa rin niyang marinig ang panig ng depensa matapos alisin ang Articles I, III at IV. Aniya, kailangang tiyakin ng impeachment court na patas at pantay ang pagtrato sa magkabilang panig, kabilang ang pagbibigay ng sapat na panahon sa depensa upang maiharap ang kanilang kaso.

Nilinaw ng senador na hindi niya sinisisi ang prosekusyon sa pag-withdraw ng mga artikulo dahil karapatan nitong piliin ang estratehiya nito. Gayunman, binigyang-diin niyang dapat manatiling makatarungan ang paglilitis sa kabila ng pagbabago sa mga alegasyong haharapin ni Duterte.

Hinimok din ni Villanueva ang publiko na patuloy na subaybayan at suriin ang mga ginagawa ng Senado, dahil mahalagang mapanagot ang mga senador-huwes sa paraan ng kanilang pangangasiwa sa impeachment proceedings.