Magbabalik sa pag-arte ang aktor at senador na si Robin Padilla sa kanyang bagong action series na “Blood vs Duty.”
Kinumpirma ito ng isang kilalang production studio sa isang social media post kung saan inanunsyo ang espesyal na partisipasyon ni Padilla sa nasabing serye na pinagbibidahan nina Gerald Anderson at Richard Gutierrez.
Sa serye, gaganap si Padilla bilang isang Muslim character na nagngangalang Ahmad Mustapha.
Samantala sinabi ni Robin na ang kanyang pagbabalik sa pag-arte ay bunsod ng tinawag niyang “kahirapan” habang nagsisilbi sa politika.
“Kagagaling ko lang ng taping ko. Kasi naghihirap na ako sa pagiging politiko. Kailangan ko nang magtrabaho,” ani Padilla sa isang panayam.
Nauna nang ibinahagi ng aktor-politiko na ibinebenta rin niya ang kanyang ari-arian sa Quezon City na kilala bilang Museo de Padilla.
Ang kanyang pagbabalik sa telebisyon ay kasunod ng kanyang huling proyekto noong 2018 na “Sana Dalawa ang Puso Ko,” kung saan nakasama niya si Jodi Sta. Maria.
Sa pelikula naman, huli siyang napanood sa “Maid in Malacañang” noong 2022.
















