Kinuwestiyon ni Senator Robin Padilla kung bakit kailangan pang pag-aralan ang pag-radicalize sa ng internet gayung itinuturing na itong mapanganib ng iba pang progresong bansa sa kaisipan ng mga kabataan.
”Radicalization mula sa internet, kailangan pa bang pag-aralan? Can we not learn from our past experiences? Ang kabataan natin ay matagal nang nagiging biktima ng religious, political at ideological extremism! Mga bata pa kaya na napakadaling mahikayat!” ani Padilla.
Sa isang Facebook post noong Biyernes, sinabi ni Padilla na matagal nang nagiging biktima ang mga kabataan ng political, religious, at ideological extremism.
Ayon pa sa senador, mabilis umanong mahikayat ang mga bata dahil sa kanilang murang edad, lalo na sa pamamagitan ng mga online platform.
Giit ni Padilla, dapat umanong pagbatayan na ang mga hakbang ng ibang bansa upang maprotektahan ang mga bata sa posibleng negatibong epekto ng social media.
Kaugnay nito, muling iginiit ni Padilla ang kaniyang panukalang Children’s Safety in Social Media Act na naglalayong palakasin ang proteksyon sa mga menor de edad laban sa mga panganib sa internet.
Nauna nang sinabi ni Padilla na bukod sa usapin ng juvenile justice, mahalaga rin ang pagtalakay sa papel ng social media sa paghubog ng pag-uugali at pananaw ng mga kabataan.
















