Tila nangigil na si Senator Robin Padilla sa mga taong muling naglabas ng lumang vlog ng kaniyang asawang si Mariel Rodriguez at ginamit umano ito upang ilihis ang atensyon sa ibang mahahalagang isyu.
Muling kumalat online ang isang video mula sa vlog ni Mariel noong 2022, kung saan tinalakay niya ang mga kwalipikasyon ni Robin noong kandidato pa lamang ito sa pagka-senador.
Sa Facebook post ni Robin nitong Linggo, Agosto 9, hinimok niya ang mga bumabatikos sa lumang vlog na ituon ang pansin sa mga kasalukuyang isyu, kabilang ang mga nararanasang pagbaha.
Ayon sa senador, hindi umano dapat gawing sentro ng usapan ang vlog ni Mariel at ang asawa ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa habang may mga lugar na nakararanas ng pagbaha.
“Mahiya naman kayo! Baka kayo mismo ay binabaha na ngayon, pero ang isyu ninyo ay tungkol pa rin sa vlog ni Mariel noong 2022 at sa misis ni Sen. Bato,” ani Robin.
Dagdag pa niya, “Nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa baha, daig ninyo pa ang mga puta kung magpagamit sa ambisyoso.”
Naglabas naman si Mariel ng video statement nitong Linggo upang linawin ang kaniyang naging pahayag tungkol sa senador.
Ipinaliwanag niya ang bahagi ng kaniyang dating vlog kung saan sinabi niyang gumagawa na ng batas si Robin habang nasa bilangguan pa ito.
Ayon kay Mariel, ang tinutukoy niya ay ang pakikibahagi umano ng kaniyang asawa sa paggawa o pagsusulong ng mga panukalang batas noong panahong iyon.
Binanggit niya ang Republic Act No. 8294, isang batas na may kaugnayan sa illegal possession of firearms, na naisabatas noong 1997 habang nakakulong si Robin.
Ayon kay Mariel, ang kaniyang punto ay kung ang batas ay naisabatas noong panahong nakakulong si Robin, malinaw na mga mambabatas aniya ang gumawa at nagpasa ng panukala.
“Now, IF gamitin natin ang talino na binigay sa atin ng Maykapal… sino kaya ang nag-draft at nagpasa ng bill na naging RA 8294?”
“Obviously, legislators,” wika ni Mariel.
Gayunpaman, aminado si Mariel na literal na binigyang-kahulugan ng ilan ang kaniyang dating pahayag.
















