-- Advertisements --

Umaasa si Senator Grace Poe na magiging handa ang Department of Health (DOH) na kontrolin ang pagkalat sa bansa ng bagong variant ng coronavirus disease mula United Kingdom (UK).

Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na lahat ng tao sa Pilipinas ay nagbabantay sa bawat galaw ng health department at hindi sila maaaring gumawa ng rason para takasan ang kanilang magiging pagkukulang.

Ayon pa sa senador na siniguro na rin ng Kongreso na may sapat na budget ang Pilipinas ngayong taon para sa contact tracing, medical equipment at bakuna.

Kung ikukumpara raw kasi noong nakaraang taon ay dapat mas maging handa ang DOH upang labanan ang bagong variant ng nakamamatay na virus.

Kahapon ay kinumpirma ng DOH at Philippine Genome Center na na-detect na rin sa bansa ang bagong variant ng COVID-19 matapos magpositibo ang genome sequencing result ng isang Pilipino na galing sa United Arab Emirates noong Enero 7.

Ani pa ng senador, hindi dapat luwagan ang mga pinapairal na patakaran ngayong nakapasok na sa bansa ang bagong variant ng nakamamatay na sakit.

Hinihikayat din ni Poe ang publiko na panatilihin ang pag-iingat lalo na ang mga indibidwal na pumapasok sa kani-kanilang mga opisina sa kabila ng nagpapatuloy na banta ng coronavirus.