-- Advertisements --

Ibinahagi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na minsan niyang naisip na magbitiw bilang senador dahil sa mga nangyayaring tensyon at kaguluhan sa Mataas na Kapulungan.

Sa isang panayam nitong Biyernes, Mayo 22, sinabi ni Lacson na nakakalungkot para sa kaniya ang pagbabago ng tingin ng publiko sa Senado kumpara sa House of Representatives.

Ayon sa kanya, dati ay tinitingnan ang Senado bilang “big brother” o mas mataas na antas ng check and balance sa gobyerno, ngunit tila nagbago na raw ito sa kasalukuyan.

Inamin din ng senador na naipahayag niya sa ilang kasamahan ang posibilidad ng pagbibitiw, ngunit hinikayat siyang huwag ituloy ito.

Sa kabila nito, sinabi ni Lacson na patuloy pa rin silang umaasa sa tinatawag na Senate minority bloc na maibabalik ang respeto at kredibilidad ng institusyon sa pamamagitan ng mas maayos na trabaho para sa publiko.

Matatandaang nagkaroon ng tensyon sa Senado matapos ang pagdalo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa session hall matapos ang matagal na pagliban kaugnay ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC), na naging isa sa mga pinagmulan ng diskusyon sa loob ng kapulungan.