Muling sinagot ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Senador Panfilo Lacson matapos nitong tanggihan ang imbitasyon na inspeksyunin ang flood control projects sa Taguig.
Ayon kay Cayetano, hindi dapat ikabahala ni Lacson ang pagbaha sa Taguig dahil aniya ay malaki na ang naging pag-unlad ng flood control sa lungsod.
“Senator Lacson, hindi ka malulunod sa Taguig, malulunod ka sa katotohanan. Pag panay kasinungalingan, ang nakakalunod ay katotohanan,” ani Cayetano.
Sinabi ng senador na matagal nang isinasagawa ang mga flood control project sa Taguig. Aniya, nagsimula ang malalaking plano noong panahon ng Martial Law, ipinatupad ang road dike noong 2001, pinalawak ito noong administrasyong Aquino, habang ang proyektong tinutuligsa ngayon ay sinimulan noong administrasyong Duterte.
Iginiit din ni Cayetano na maliban sa matitinding pag-ulan, limitado na lamang sa ilang lugar ang flash floods sa Taguig kumpara sa ibang lungsod sa Metro Manila.
Nauna rito, tumanggi si Lacson sa imbitasyon ni Cayetano at sinabing, “Saka na lang pag maayos na ang flood control program sa Taguig. Matagal na akong walang practice mag-swimming; baka doon pa ako malunod sa tubig-baha.”
Bukod sa isyu ng flood control, sinabi rin ni Cayetano na nakapagtataka umanong siya lamang ang madalas na pinupuntirya ni Lacson at iniuugnay sa iba’t ibang alegasyon sa Taguig.
Gayunman, sinabi niyang mas nais niyang ituon ang pansin sa mga usaping higit na nakaaapekto sa publiko, kabilang ang mataas na presyo ng kuryente, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at iba pang isyung pang-ekonomiya. Aniya, sa halip na palitan ng akusasyon, dapat umanong pagtuunan ng pansin ang paghahanap ng mga solusyon sa mga suliranin ng bansa.
















