Tiniyak ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na nakahanda ang Senate majority bloc sa anumang maruming balak umano ng tinawag niyang disgraced na dating Senate President na si Sen. Alan Peter Cayetano kung sakaling magkaroon ng special session ang Senado.
Ayon kay Lacson, pinauusapan na umano ng kanilang grupo ang mga maaring hakbang kung sakaling harangin o manggulo umano si Cayetano sa isasagawang special session sabay giit na hindi dapat balewalain ang kakayahan ng kapwa senador na gumawa ng gulo dahil wala umano itong pakialam sa institusyon kundi sa sarali niya lamang.
Dagdag pa niya, gawain umano nito ni Cayetano kung saan binalikan niya ang noo’y pagpodlock nito sa mababang kapulungan nang papatalsikin na sa pwesto bilang House Speaker.
Binigyang-diin ni Lacson na habang kinikilala ng halos lahat—maliban kay Cayetano at iilang mga kaalyado nito—ang pamumuno ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian, ipinakita naman umano ni Cayetano na may kakayahan itong gawin ang kahit ano upang ipagpilitan ang kaniyang sarili sa pwesto.
Aniya, labis umano ang pagkahumaling ni Cayetano sa kapangyarihan kaya handa itong balewalain ang realidad at gumawa ng eksena sa kabila ng pagkilala ng House of Representatives, Malacañang at iba’t-ibang grupo sa liderato ni Gatchalian.
Kaugnay nito, binalaan niya si Cayetano na umiwas sa paggawa ng gulo sakaling matuloy ang special session at pinayuhan na makilahok sa mga talakayan sa plenaryo sa halip na mag live sa facebook.
Samantala, binigyang-diin din ni Lacson na dapat dumalo ang lahat ng senador sa espesyal na sesyon bilang kanilang mandato upang maresolba na rin aniya ang mga mahahalagang panukala at usapin sa Commission on Appointments na naapektuhan dahil sa hindi pagdalo ng paksyon ni Cayetano sa sesyon noong Hunyo 1 hanggang 3.
Sa huli, kinilala ni Lacson ang paninindigan ni Senator Joel Villanueva na dumalo sa espeyal na sesyon at umaasa na maging ang ibang kapwa senador sa hanay ng minorya ay makilahok din.
















