-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Senador Pia Cayetano ang legalidad ng isinagawang sesyon ng Senado na dinaluhan ng 12 senador ngayong Miyerkules, Hunyo 3, giit niya na hindi sapat ang naturang bilang upang bumuo ng quorum at magsagawa ng opisyal na sesyon.

Ayon kay Cayetano, malinaw umano ang probisyon ng 1987 Constitution na nagsasaad na ang Senado ay binubuo ng 24 na miyembro at kinakailangan ang mayorya ng kabuuang bilang nito upang makapagsagawa ng opisyal sesyon.

“The Constitution says the Senate has 24 senators and that a majority of each House shall constitute a quorum to do business,” ani Cayetano.

Binanggit din ng senadora ang umiiral na Senate Rules na nagsasaad na ang mga opisyal ng Senado ay dapat mahalal sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng miyembro ng kapulungan.

“So today, when 12 senators convened and purportedly held session, how can that be valid?” tanong ng senadora.

Tinukoy rin ni Cayetano ang kasong Avelino vs. Cuenco, na ginagamit umano ng ilan bilang batayan upang ituring na sapat ang 12 senador para bumuo ng mayorya.

“They cite the case of Avelino vs. Cuenco where the Supreme Court considered 12 as the majority. But as any freshman law student knows, you can’t pull out the rationale of a case and use it to suit your needs. The specifics of the case are different,” saad niya.

Bilang suporta sa kanyang argumento, binanggit pa ni Cayetano ang isinulat ng yumaong constitutionalist na si Joaquin Bernas tungkol sa interpretasyon ng quorum sa lehislatura.

Sa ibinahagi ng senadora mula sa aklat ni Bernas, sinabi nito na: “This manner of approaching the subject can lead to the ridiculous should the majority of the legislative body be abroad and beyond the coercive power of the body.”

Buwelta pa ni Cayetano na hindi maaaring ituring na mayorya ang 12 senador sa isang kapulungang may 24 na miyembro.

“12 is not 13. Alam ng Grade 1 student ‘yan,” aniya.

Nauna rito, ginulat ng ilan ang pagdating ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero sa Senate plenary hall nitong Miyerkules, ilang araw matapos hindi dumalo ang ilang miyembro ng majority bloc sa nakaraang plenary session.

Si Escudero, na nauna nang sumapi sa majority bloc, ang kumumpleto sa bilang ng 12 senador na dumalo sa sesyon, dahilan upang maituloy ang mga deliberasyon ng Mataas na Kapulungan.

Kalaunan, nahalal si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at idineklarang acting Senate President.