-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Senator Imee Marcos ang naging aksyon ng mga pulis sa Bayambang, Pangasinan laban sa asawa ng isang magsasakang nagpatiwakal dahil sa pagkakabaon nito sa utang dahil sa sibuyas.

Sa isang pahayag ay sinabi ng senadora na limang beses na pinuntahan ng Bayambang police ang tahanan ni Merly Gallardo, upang papirmahin ito ng affidavit na nagsasabing hindi totoo ang kaniyang naging testimonya sa hearing na dinaluhan nito sa senado.

Si Merly Gallardo ay inimbitahan ni Sen. Imee marcos sa isang pagdinig sa senado noong martes, Enero 17, 2023.

Siya ay asawa ng magsasaka ng sibuyas na si Kagawad Roger Gallardo na nagpatiwakal dahil sa lumobong utang nito sa bangko sa halagang P1.7 million.

Sa naturang pahayag ay kinuwestiyon ni Marcos ang naging aksyon ng local police na pinangungunahan ni Police Chief Master Sergeant (pcms) Eduardo Santiago dahil sa umano’y sapilitang pagpapatahimik sa ginang.

Aniya, ang biglaang pagkatok ng mga pulis sa tahanan ng mga magsasaka para lamang papirmahin sila ng sinumpaang salaysay na nagbabaliktad sa kanilang ibinunyag sa senado ay nagdudulot ngayon ng takot at panic sa mga magsisibuyas.

Kung maaalala, naging emosyonal si nanay Merly sa kaniyang naging testimonya sa senado nang ikuwento nito ang pagpapatiwakal ng kaniyang mister nang dahil sa pagkakalubog sa utang dahil sibuyas.

Bukod sa kaniyang mister ay apat pang iba na nagpakamatay din nang dahil sa kaparehong suliranin.