-- Advertisements --

Umapela si Senador Christopher “Bong” Go, chair ng Senate Committee on Health, sa pamahalaan na pag-aralan ang posiibilidad na palawakin ang pagbabakuna upang maisama na ang mga natitira pang miyembro ng general public na hindi kabilang sa vaccination priority list.

“Bilang chair ng Senate Committee on Health, umaapela ako sa ating gobyerno na pag-aralan na ang posibilidad na palawakin lalo ang ating vaccination roll-out sa mas maraming Pilipino maliban sa mga eligible na kabilang na sa mga priority groups. Hangga’t kaya ng supply ng ating mga bakuna, baka maaaring buksan na sa publiko. Pag-aralan po dapat ito ng mabuti,” apela ni Go, kasabay ng pahayag na ganito rin ang panawagan ng ilang local government units.

Hiniling din ni Go sa mga otoridad na pag-aralan ang posibilidad na mabigyan ng insentibo ang mga fully vaccinated upang mahikayat ang iba na magpabakuna na.

“Pag-aralan rin po dapat nang mabuti ang pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado tulad ng mas maluwag na mga patakaran. Maaaring pwede na sila kumain at pumasyal sa labas, makatrabaho, at makagalaw nang wala masyadong restrictions. Para rin po ma-enganyo at tumaas ang vaccine confidence. Yung mga pribadong sektor, may sarili ring mga inisyatibo tulad ng pagbibigay ng discounts. Welcome po ang lahat ng ito,” dagdag pa niya.

Binigyan diin ni Go na mas maraming Filipino ang bakunado, mas mabilis makababalik sa normal ang bansa.

“At kung patuloy na bababa ang bilang ng nagkakasakit at tataas naman ang bilang ng bakunado, mas mabilis po nating maibabangon ang ating ekonomiya at mas makakabalik po tayo sa normal na pamumuhay pagdating ng panahon,” sabi ng senador.

Gayunman, tiniyak ni Go sa mga nasa top priority groups na atubili pa ring magpabakuna o hindi makapagpabakuna dahil sa medical conditions ay bibigyan pa rin ng prayoridad sakaling magpasya sila na magpabakuna na o mabigyan ng signal na ligtas silang maturukan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.

“Kung ieexpand natin ang rollout sa publiko, dapat na walang prejudice naman ito sa kabilang sa mga naunang priority groups kung sakaling magbago naman ang kanilang isip dahil sa nag-aalinlangan pa sila ngayon. Pero kung merong ayaw magpabakuna na kabilang sa mga nasa priority list ngayon, ibigay na natin sa may gusto dahil habulan po ito. The bigger the population that gets vaccinated, the faster we can reach population protection and eventually herd immunity,” sabi rin ni Go.

Dahil sa pangamba para sa mga estudyante, mga guro at iba pang personnel, ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face-to-face classes hanggang sa mabakunahan kontra COVID-19 ang substantial na bilang ng populasyon.

“Paano tayo makapaghanda sa pagbabalik ng face-to-face classes pagdating ng tamang panahon kung ang ating mga guro ay hindi naman bakunado? Paano naman makakabalik sa kanilang trabaho ang ibang mga OFWs natin na naghahanda pa para sa kanilang deployment at hindi pa pasok sa four-month period? Paano naman ang ibang mga trabahante na patuloy na kumakayod para tumulong na maiahon ang ekonomiya at kanilang pamilya?,” aniya.

Una nang umapela si Go sa pamahalaan na isama ang overseas Filipino workers, partikular ang mga ide-deploy pa lang, na mabakunahan sa lalong madaling panahon upang makapagtrabaho sila sa abroad.

Dahil dito, isinama ang OFWs bilang bahagi ng A4 priority group o economic frontliners.

“Huwag po natin silang pabayaan at pag-intayin pa dahil baka maunahan pa ng COVID-19 ang pagbabakuna nila. Pabilisin na natin ang rollout para mas maraming Pilipino ang maproteksyunan.

Tutal, tuluy-tuloy naman ang pagdating ng mga bakuna sa bansa.”

Simula nang mag-umpisa ang pandemya, ay matagumpay na ini-apela ni Go ang pagsama sa iba’t ibang grupo sa vaccine priority group, gaya ng mga atletang sumabak sa Southeast Asian Games at Tokyo Olympics, OFWs at Professional Regulation Commission personnel na nangangasiwa sa licensure examinations.