Kinalampag ni Sen. Bong Go ang mga government agencies na tiyaking lahat ng pondong ginagamit sa paglaban sa COVID-19 pandemic ay “all accounted for.”
Binigyang-diin ni Sen. Go na lalo sa panahon ng pandemic, bawat piso ay mahalaga at sa bawat pisong nasasayang o ninanakaw, nalalagay sa panganib ang buhay.
“Hinihikayat po natin ang lahat ng opisina ng gobyerno na siguraduhing lahat ng pondo na ginagamit natin sa ating laban kontra COVID-19 ay para sa kapakanan ng taumbayan. Siguraduhin natin na mararamdaman at mapapakinabangan ito ng lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap at pinaka-nangangailangan ng tulong,” ani Sen. Go.
Kasabay nito, nagbabala ang mambabatas sa mga opisyal ng gobyerno na aabuso sa kapangyarihan at masasangkot sa korupsyon ay mapapanagot sa batas.
“Kung walang itinatago, dapat mag-cooperate. Gawin natin ang lahat para malinis ang mga ahensya, mas mapaganda ang serbisyo sa tao at hindi mahawahan ang iba,” dagdag ng senador.
Nagpahayag din ng suporta si Go sa digital na pamamahagi ng assistance sa mga apektadong mamamayan para sa transparency at accountability.