-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Sen. Bong Go ang kanyang paninindigang huwag payagan ang face-to-face classes hangga’t maaari habang nalalapit ang pagbubukas ng klase sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Sen. Go, para sa kanya, habang walang bakuna ay walang face-to-face classes at naniniwala siyang makakapag-aral pa rin ang mga bata sa paraang hindi sila ma-expose sa sakit.

Ayon kay Sen. Go, hinihikayat nito ang Department of Education (DepEd) na isulong ang mga ibang modes o paraan ng pag-aaral na nakakasunod sa health and safety protocols gaya ng social distancing.

Iginiit ni Go na ayaw nitong mapunta sa bata ang kapahamakan kaya binigyan ng opsyon ang DepEd na ipagpaliban muna ang opening para matiyak nilang maipapagpatuloy ang edukasyon sa paraang ligtas.

“Let me reiterate po: No vaccine, no face-to-face as much as possible. Importante makapag-aral pa rin ang mga bata sa paraan na hindi sila mapipilitang ma-expose sa sakit,” ani Sen. Go na siya ring chairman ng Senate Committee on Health.