-- Advertisements --

Nagtungo ang team ni Senador Christopher “Bong” Go sa mga nasunog na kabahayan sa Ipil, Zamboanga Sibugay upang mamahagi ng tulong upang agad silang makabangon mula sa pinsalang idinulot ng insidente.

Sa kanyang video message, ipinaabot ni Go ang kanyang pakikisimpatya sa 205 na naapektuhang pamilya, kasabay ng pagtiyak na sumasailalim ang Bureau of Fire Protection sa modernization program upang mapagbuti pa ang pagtugon sa mga insidenteng may kinalaman sa sunog.

Si Go ang principal author at co-sponsor ng Republic Act No. 11589, na kilala rin bilang BFP Modernization Act, kung saan inaatasan ang BFP na mag-develop at magpatupad ng ten-year modernization program, kabilang ang pagbili ng advanced fire equipment, pagdaragdag ng mga bumbero at pagbibigay ng specialized training, at iba pa.

“Kaya ako bilang inyong senador, nag-file ako (ng batas, itong) Bureau of Fire and Protection Modernization (Act) para sa mga bagong gamit sa ating mga bumbero, at education campaign para turuan kayo na mag-ingat. Kapag may nasunog na bahay damay talaga ang mga kapitbahay kaya nakikiusap ako na magtulungan lang tayo mga kababayan. Importante po na mabigyan ng suporta ang modernization ng ating Bureau of Fire Protection dahil napaka-importante ng tungkulin na ginagampanan nila upang makapagligtas ng buhay. Kaya po dapat lang na palakasin ang kapasidad ng BFP sa pagresponde sa sunog,” dagdag pa niya.

Nagbigay ang team ni Go ng snacks, masks, shirts, at vitamins sa mga apektadong pamilya. Mayroon ding ilang piling indibidwal na nakatanggap ng bisikleta, phablets, at mga bola para sa volleyball at basketball.

“Ang adbokasiya ko ay health. Palakasin natin ang ating healthcare system. At ang adbokasiya ko (rin) ay sports para ilayo ang mga kabataan sa iligal na droga. Get into sports, stay away from drugs. Ituloy natin ang kampanya ni (dating) presidente Rodrigo Duterte na labanan ang iligal na droga. Handa akong tumulong sa inyo. (Kahit) limitado (na) lang ang aking kapasidad, magsusumikap ako na tumulong sa inyong lahat. Huwag po kayong mag-alala, ang gamit po ay nabibili pero ang perang kikitain ay hindi nabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever. (Kaya) mag-ingat kayo,” paalala ng senador.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, hinimok ni Go ang mga benepisyaryo na alagaan ang kanilang kalusugan. Hinikayat niya ang mga ito na bumisita sa alinman sa pitong Malasakit Centers sa Zamboanga Peninsula kung kailangan nila ng atensyong medikal.

“Mahirap magkasakit lalo na kung ikaw ay mahirap at hindi alam kung saan kukunin ang pambayad sa ospital at pambili ng gamot. Kaya po nabuo ang Malasakit Center,” saad ng mambabatas.

Ang Malasakit Centers sa Zamboanga Peninsula ay matatagpuan sa Zamboanga City Medical Center, Mindanao Central Sanitarium, at Labuan General Hospital, sa Zamboanga City; Jose Rizal Memorial Hospital sa Dapitan City; Zamboanga del Norte Medical Center sa Dipolog City; Zamboanga del Sur Medical Center sa Pagadian City; at Margosatubig Regional Hospital sa Margosatubig.

Samantala, nanawagan din ang senador sa mga residente na makibahagi sa national inoculation drive upang madagdagan ang kanilang proteksyon laban sa COVID-19.

“Tuluy-tuloy po ang pagbabakuna habang patuloy po ang vaccine rollout. Importante rin po disiplina at huwag maging kumpiyansa. Kapag malakas ang inyong resistensya, mas lalaban po ang inyong katawan kontra COVID-19,” pagbibigay diin ni Go.