-- Advertisements --

Muling bumuwelta si Sen. Erwin Tulfo kay Sen. Rodante Marcoleta kasunod ng naganap na sagutan sa Senado noong May 26 dahil sa usapin ng pagbabago sa Senate rules.

Binalikan ni Tulfo ang aniya’y ‘ad hominem’ attack na ginawa ni Marcoleta ukol sa legal background ni Sen. Risa Hontiveros, na una nang pinuna ni Tulfo habang naroon pa siya sa plenaryo.

Ayon sa senador, hayagang pag-atake sa pagkatao at sa character ni Hontiveros ang ginawa ni Marcoleta, sa halip na atakehin ang isyu na kanilang pinag-uusapan sa plenaryo.

Hindi aniya katanggap-tanggap ang sinabi ni Sen. Marcoleta na walang legal background ang isang senador, lalo at ang kaniyang inaatake ay nasa Senado na sa loob ng mahigit sampung taon.

Tanong pa ni Tulfo kay Marcoleta, hindi ba niya naisip na sina Sen. Camille Villar, Sen. Mark Villar, Sen. Bong Go, Sen. Robin Padilla, Sen. Jingoy, at Sen. Joel Villanueva ay nasaktan din sa kaniyang pahayag?

Giit ni Tulfo, 16 na senador sa kasalukuyang Senado ay hindi mga abogado, ngunit marami sa kanila aniya ang ginagawa ang kani-kanilang mga tungkulin bilang mga mambabatas.