-- Advertisements --

Inoobliga ng liderato ng Senado na dumalo na ng personal sa sesyon si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, matapos umani ng samut-saring reaksyon ang pahayag nitong “masarap ang buhay” ngayong naka-work from home sila.

Matatandaang sa pagtatapos ng sesyon nitong Martes, isa-isang nagpa-alam ang mga senador, pero naging agaw pansin ang remarks ni Dela Rosa.

“Sarap ng buhay. Sarap ng buhay…ganito na lang tayo palagi ha?” wika ng retiradong police general.

Pero nitong Miyerkules, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nagkasundo sila nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Sherwin “Win” Gatchalian at Sen. Francis “Tol” Tolentino na padaluhin na lang ng personal si Dela Rosa sa last session week nila bago ang adjournment.

Agad namang nangako si Sen. Bato na magko-comply ito sa nais mangyari ng kaniyang mga kasamahan.

Sina Sotto, Lacson, Gatchalian at Tolentino ay regular na dumadalo ng personal sa mga aktibidad ng Senado, kahit noong pinayagan na ang tele conference para sa kanilang sesyon.