-- Advertisements --

Binalikan ni Sen. Ronald Dela Rosa ang umano’y naunang pahayag ng abogado ni Engr. Brice Hernandez na si Atty. Raymond Fortun na pinagalitan niya si Hernandez dahil pinipili lamang umano ng inhinyero kung sino ang papangalanang mambabatas sa kaniyang affidavit.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inusisa ni Sen. Bato ang dating DPWH engineer kung gaano ito katotoo.

Pero sagot ni Hernandez, wala itong katotohanan.

Sa katunayan aniya, napagsabihan pa niya si Atty. Fortun kung bakit ito ang kaniyang inilabas sa media, gayong wala naman itong katotohanan.

Sinabihan din umano ni Hernandez ang batikang abogado na huwag na niya itong ulitin pa dahil hindi na niya ito ikokonsidera bilang kaniyang abogado.

Binigyang-diin ni Hernandez na lahat ng kaniyang nalalaman ukol sa sinuman ay kaniyang ilalabas ngunit kailangan aniyang may sapat na impormasyon na susuporta sa kaniyang mga claims.

Si Atty. Fortun ang siya ring kumatawan kay Hernandez sa paghingi nito ng proteksyon sa Department of Justice sa ilalim ng Witness Protection Program ng naturang ahensiya.