-- Advertisements --

Inamin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na takot siyang makulong at nababahala dahil kawawa umano ang kaniyang mga apo na hindi niya makikita kapag nangyari ito at ikulong siya sa The Hague sa The Netherlands kung saan nakabase ang ICC na nagiimbestiga sa war on drugs ng nagdaang Duterte administration.

Ginawa ng Senador ang pahayag sa gitna ng mga espekulasyon na nasa Pilipinas na ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).

Una na kasing naglunsad ng imbestigasyon ang international court sa madugong war on drugs ng nakalipas na Duterte administration kung saan nagsilbing head implementer noon si dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Nanindigan naman sa isang panayam ngayong araw ang Senador na wala siyang ginawang masama sa kasagsagan ng kampaniya kontra iligal na droga.

Giit pa ng Senador na hindi umano lahat ng mga nasa kulungan ay gulity o may kasalanan.

Matatandaan, isa si Dela Rosa sa mga respondent sa crimes against humanity complaint na inihain sa ICC may kinalaman sa war on drugs ng nakalipas na adminisasyon.