-- Advertisements --

Kinatigan ni Senador Sonny Angara si Tourism Secretary Christina Frasco at bigyan aniya ang kalihim ng ikalawang pagkakataon.

Ang naging pahayag ng Senador ay sa gitna ng kinahaharap na krisis ng ahensya dahil sa promotional video ng campaign slogan na Love the Philippines, na karamihan ay hindi kuha sa Pilipinas at hinugot lamang sa isang video creation platform.

Ani Angara, hindi dapat bawasan ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng “Love the Philippines” campaign ng Department of Tourism (DOT) ang mga nagawa ni Tourism Secretary Frasco sa pagtataguyod ng bansa sa mundo.

Malinaw aniya na may mga isyu sa pinresenta ng advertising agency ngunit ang mahalaga ay tinugunan ito ng kalihim at walang nasayang na pondo.

Pinuri din ng mambabatas si Frasco sa mabilis na pag-terminate ng kontrata ng DOT sa DDB Philippines para pangasiwaan ang promotional campaign para sa bagong Love the Philippines slogan ng bansa para sa turismo.

Binanggit din ni Angara ang hakbang ng ahensya na paunlarin ang Pilipinas bilang health and wellness tourism hub, isang ideya na matagal na niyang isinusulong.

Mula Enero hanggang kalagitnaan ng Mayo ng taong ito, nakapagtala ang DOT ng mahigit dalawang milyong international visitor arrival sa bansa, na lumampas na sa buong taong 1.7 milyon na target ng ahensya.