-- Advertisements --

ILOILO CITY – Naaresto na ang security guard na bumaril-patay sa isang delivery rider sa labas isang mall sa corner Quezon at J. De Leon Streets, Iloilo City Proper.

Ang biktima ay si Joemar Sanchez, residente ng Barangay Bitoon, Jaro, Iloilo City at delivery boy ng Food Panda.

Ang suspek ay nagngangalang Argie “Nunung” Solis, residente ng Barangay Maria, Laua-an, Antique.

Si Nunung ay security guard ng Malayan Bank sa Quezon Street, at miyembro ng security agency na Grabato Investigation Risk Management and Security Service Incorporated.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Paul Joseph Oberio, hepe ng Laua-an Municipal Police Station, sinabi nito na matapos ang krimen, agad silang nakipag-ugnayan sa pamilya ng suspek sa Barangay Maria, Laua-an, Antique.

Ayon kay Oberio, mismong ang ina ni Solis ang nagsabi na nasa San Jose , Antique ang suspek kaya kaagad isiniagawa ng hot pursuit operation at na-intercept ito sa Sibalom, Antique.

Sa ngayon, nakapiit na sa Iloilo City Police Station 1 ang suspek.