-- Advertisements --

Tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief police Dir. Oscar Albayalde na all-set na ang inilatag nilang seguridad para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes, July 24.

Ayon kay Albayalde, 100 percent handa na ang lahat ng Philippine National Police (PNP) personnel gayundin ang mga force multiplier na tutulong sa pagtiyak na magiging mapayapa ang SONA.

Ibinunyag ni Albayalde na sa darating na weekend ay magdedeploy sila ng skeletal force na kinabibilangan ng dalawang team para magsimula nang magbantay sa area ng Batasan.

Habang sa mismong araw ng SONA, alas-4:00 pa lamang ng madaling araw ay magsisimula na ang kanilang full deployment.

Bukas, magkakaroon din ng walk through na magsisimula sa Quezon City Police District (QCPD).

Inihayag ni Albayalde na matapos ang ilang international events sa bansa, hindi na nagbaba ng alert status ang NCRPO kung saan nananatili ito sa full alert status.

Nasa 6,000 miyembro ng Crowd Dispersal Management Team ang idedeploy ng NCRPO sa araw ng SONA.

Tinataya namang 15,000 na raleyista ang umano’y magsasagawa ng kilos protesta na 15 hanggang 20 metro ang itinakdang layo sa Batasan Complex.

Nilinaw ni Albayalde na ang augmentation force na magmumula sa Joint Task Force NCR ay idedeploy sa loob ng Batasan.